Katapangan ng mga sundalo sa matagumpay na resupply mission sa Ayungin Shoal, pinuri ng isang senador

Pinuri ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pagpapakita ng tapang ng ating mga sundalo sa isa nanamang matagumpay na resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Sinabi ni Villanueva na ang matagumpay na resupply mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal sa kabila ng pangha-harass ng China ay isang malinaw na indikasyon na ang gobyerno ng Pilipinas ay matibay sa paggiit ng ating posisyon na protektahan ang soberenya ng ating teritoryo.

Binigyang-diin pa ng Majority leader ng Senado na ang usapin sa West Philippine Sea (WPS) ay hindi lamang tungkol sa pagmamay-ari kundi ito ay pagpapakita ng tapang na ang bawat Pilipino ay kayang manindigan para sa ating karapatan laban sa isang bully.


Para mas mapalakas ang hakbang ng bansa sa mga claim natin sa WPS ay nagapruba ang Mataas na Kapulungan ng isang resolusyon na lumilikha sa Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones na tatalakay sa lahat ng Maritime Zone bills at Archipelagic Sea Lanes bills.

Ang mga panukalang ito ay pinaniniwalaang magpapatibay lalo sa ating posisyon salig na rin sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Facebook Comments