Tunay na kahanga-hanga ang ipinakitang katapatan ng dalawang tricycle driver mula sa bayan ng Lingayen matapos nilang isauli ang mga naiwang cellphone ng kanilang mga pasahero.
Sa hiwalay na pagkakataon, kinilala ang mga tapat na driver na si G. Jo Ann Ramos Arias, miyembro ng Tumbar TODA at G. Rommel Ramos ng PSAT- TODA, sila’y agad nagtungo sa kinauukulan upang isurrender ang nasabing cellphone.
Isa sa mga cellphone ay agad na naibalik sa may-ari na si Jericho Aviles, isang estudyante mula sa Barangay Naguelguel, na labis ang pasasalamat.
Samantala ang isa pang cellphone ay nananatili sa Lingayen Information Office habang hinihintay ang may-ari na personal itong kunin.
Bilang ama ng tahanan at taong kumakayod araw-araw para sa kanilang pamilya, nauunawaan nila ang kahalagahan ng cellphone, lalo na sa mga estudyante at empleyado na umaasa rito para sa pag-aaral o trabaho.
Marami ang naantig sa ginawa nina Arias at Ramos na nagpamalas ng malasakit at integridad, mga katangiang tunay na kahanga-hanga sa kabila ng mga hamon ng makabagong panahon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








