Katawan ng 2-anyos na babae, natagpuang palutang-lutang sa ilog sa Cotabato City

157
FILE PHOTO OF TAMONTAKA RIVER

Natagpuan na nitong Martes ang bangkay ng isang 2 anyos na batang babae na sinasabing nalunod sa isang ilog sa Maguindanao bago tuluyang inanod sa katubigang sakop ng Cotabato City.

Dakong alas-6 ng gabi nang makita ng isang residente ang palutang-lutang na katawan ng biktima sa Tamontaka River na sakop ng Purok Limbayan sa Kalanganan Dos.


Ayon sa pulisya, nakatira ang paslit sa Barangay Matilak sa Kabuntalan, Maguindanao.

Batay sa imbestigasyon, kasama ng musmos ang kaniyang tatay na naligo sa ilog nang maganap ang kalunos-lunos na insidente.

Pagkatapos daw mag-tampisaw ay nagdesisyon ang mag-ama na umuwi sa kanilang bahay para kumain.

Subalit nang malingat sandali ang lalaki, hindi na raw niya makita ang supling. Naisip daw ng lalaki na bumalik sa ilog ang bata upang maligo ulit. Pero hindi na niya mahanap sa lugar ang musmos.

Kaagad naman nakipag-ugnayan ang ama sa pulisya.




Hinala ng mga pulis, nahulog ang musmos sa ilog at tinangay ng malakas na tubig.

Facebook Comments