Katawan ng Lalaki, Natagpuang Sunog sa isang Sakahan sa Isabela

1409

Cauayan City, Isabela-Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng isang lalaki na sinunog gamit ang goma ng sasakyan sa isang ricefield area ng pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Carmen Sita, Delfin Albano, Isabela.


Ayon kay PCAPT. Fresiel Dela Cruz, hepe ng PNP Delfin Albano, una nang nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa kapitan ng barangay na may katawan ng tao ang nasusunog kaya’t agad nila itong nirespondehan.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay tumambad sa kanila ang nagliliyab pang katawan ng biktima subalit hindi na ito makilala dahil sa tindi ng pagkasunog.

Nabatid na may tama ng bala sa ulo ang biktima habang may bali ito sa kaliwang paa at kamay.

Isinailalim na ngayon sa autopsy ang bangkay ng lalaki para matukoy ang iba pang posibilidad na makakapagbigay linaw ng nasa likod ng krimen.

Narekober naman sa crime scene ang buckle ng sintron ng biktima na gagamiting ebidensya sakaling may kaanak na magbeberipika sa katawan.

Nananawagan ang PNP Delfin Albano na nawawalan ng kamag-anak na mangyaring makipag-ugnayan sa kanilang himpilan.






Facebook Comments