Magpapatawag ng pagdinig si Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo tungkol sa katiwalian sa pagbili ng Dalian trains noon pang panahon ng dating Aquino administration.
Kasunod na rin ito ng inspeksyon na ginawa ng senador sa mga nakatenggang Dalian trains sa MRT-3 depot sa North Avenue, Quezon City.
Nakita ng senador na nakatiwangwang at nababalot na ng alikabok ang nasa 48 Dalian trains na gawa ng China na aabot sa halagang P3.7 billion.
Para naman magamit ang mga bagon na hindi akma sa ating MRT system, kailangang maglabas ang gobyerno ng P2 billion para sa maintenance ng mga ito.
Pero sa halip na gumastos ang pamahalaan ay imumungkahi ni Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) na ire-negotiate ang kontrata para maisauli ang tren at maibalik sa gobyerno ang naibayad na halaga.