Manila, Philippines – Umaasa si Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Panfilo Ping Lacson na hindi lalapitan ng mga mapanukso sa Bureau of Customs o BOC ang militar.
Pahayag ito ni Lacson kasunod ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa pamamahala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang BOC.
Ito ay dahil sa eskandalong kinakaharap ngayon ng BOC dahil sa paglusot ng multi bilyong pisong halaga ng shabu.
Binanggit ni Lacson na noong dekada 1960, ay napangasiwaan na ng militar ang BOC kung saan naging maayos ang operasyon nito dahil hindi umubra ang mga tangkang panunuhol ng mga smugglers.
Pero ayon kay Lacson, nagkaaberya ang operasyon ng ahensiya matapos na gumamit ng mga naggagandahang mga kababaihan ang mga nakikipagtransaksiyon sa ahensya.
Ayon kay Lacson, hindi malayong maulit sa kasalukuyang panahon ang naturang pangyayari dahil handang gawin ng mga nagpapasok ng droga ang lahat para hindi mabulilyaso ang kanilang iligal na pinagkakakitaan.
Isa sa mga nakikitang solusyon ni Lacson upang maawat ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa ay ang mas malalim na pangangalap ng impormasyon ng BOC sa mga galaw ng mga sindikato.