Cauayan City, Isabela- Nagkaisa ngayon ang mga miyembro ng katutubong Agta sa Sitio Kalbo, Brgy. Dissimungal, Nagtipunan, Quirino para ipanawagan ang mapang-abusong gawain ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ay kasabay ng nangyaring 52-taong anibersaryo ng mga rebeldeng grupo.
Inihayag ng mga katutubo ang kanilang pagkadismaya at galit sa CPP-NPA dahil sa ginagawang panghihikayat sa iba pa nilang kasamahan para sumapi sa armadong grupo.
Ayon kay Dupan De Guzman, ang punong tagapamahala ng mga Agta, hinimok nito ang kanyang mga kasamahan na huwag ng sumama sa NPA at iwasan ang magpagamit sa kanilang maling gawain.
Laki naman ng pasasalamat ng Former Rebel na si alyas Isagani sa gobyerno dahil sa patuloy na pagbibigay tulong sa kanyang pamilya.
Tahasan pa nitong sinabi na huwag basta maniwala sa mga salita at pangako ng CPP-NPA dahil tiyak aniya na sisirain lang ang buhay ng isang indibidwal.
Dahil dito, nagpasalamat naman si LTC. Ali Alejo, pinuno ng 86IB sa katutubong Agta dahil sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga teroristang NPA at sa patuloy na pagsuporta sa gobyerno.