Kaugnayan ng negosyanteng si Michael Yang sa kompanyang binilhan ng sinasabing overpriced na medical supplies, kakalkalin ng Senado

Aalamin ng Senado kung ano ang koneksyon ng negosyanteng si Michael Yang sa Pharmally International Holdings.

Ang naturang kompanya ang pinagbilhan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) ng sinasabing overpriced na medical supplies.

Sinabi ni Senator Risa Hontiveros na pangungunahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagkalkal sa naturang kontrobersiya.


Kinuwestiyon din ng senadora ang aniya’y pakikipagtransaksyon ng pamahalaan sa mga pugante at may warrant of arrest sa Taiwan.

Tinukoy ni Hontiveros si Huang Wen Lie, na kilala rin sa pangalang Tony Huang, na Chairman ng Pharmally International Holdings na aniya’y wanted sa securities fraud, stock manipulation, at embezzlement.

Ang anak naman aniya nito na si Huang Tzu Yen na incorporator ng Pharmally Pharmaceutical Corp. at Pharmally Biological Inc. ay wanted sa kasong stock manipulation.

Pinangalanan din ng senadora ang ilan pang incorporators ng Pharmally na directors din ng kompanyang Full Win, tulad nina Rose Lin at Gerald Cruz.

At higit aniya sa lahat, ang Chairman ng Full Win Group na si Zheng Bingqiang ay wanted din sa stock manipulation.

Ang Chairman naman aniya ng Philippine version ng kompanyang Full Win ay si Michael Yang na aniya’y pinagtatanggol ng pangulo.

Facebook Comments