Kaugnayan ni Allan Lim sa Pharmally at kay Pangulong Duterte, dapat imbestigahan

Sa pagdinig ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee ay inungkat ni Senator Risa Hontiveros ang koneksyon ng Chinese national na si Allan Lim sa Pharmally Pharmaceutical Corporation at mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Interesado rin si Hontiveros kung ang nasabing Allan Lim o Lin Weixiong ay ang tinutukoy ni anti-drug operator Eduardo Acierto na sangkot umano sa pagbebenta ng iligal na droga na dapat aniyang maberipika dahil nakakabahala.

Ayon kay Hontiveros, si Lim ay nakuhanan ng video noong 2017 na kasama sa pagpupulong ni Pangulong Duterte at mga executive ng Pharmally na ngayon ay sangkot sa anomalya.


Sa Senate hearing ay ipinakita ng senadora ang larawan ni Allan Lim kasama si Rose Nono Lin, na isang incorporator ng Pharmally Biological Inc., na sister company ng Pharmally Pharmaceutical.

Base sa impormasyon ni Hontiveros, si Rose Lin ay asawa ni Allan Lim.

Napag-alaman din ni Hontiveros na si Lin ay incorporator ng Full Win o Fu De Sheng Group sa Pilipinas, na pinamumunuan ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang.

Ang chairman ng Full Win na nakabase sa Xiamen, China na si Zheng Bingqiang ay wanted sa Taiwan para sa pagmamanipula ng mga stock ng Pharmally.

Naniniwala si Hontiveros na maaaring si Rose Nono Lim ang susi para maliwanagan ang komite sa kaduda-dudang mga koneksyon na ito na may kaugnayan sa pagbili ng gobyerno ng overpriced na face mask, Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies.

Giit ni Hontiveros, kailangang maimbita sa hearing si Rose Nono Lim na mukhang kakandidato dahil kalat na kalat ang tarpaulin nito sa 5th District ng Quezon City, may sariling YouTube channel at aktibo sa social media.

Facebook Comments