Opisyal nang binuksan ng Land Bank of the Philippines (Landbank) ang kauna-unahang branch nito sa Bolinao, Pangasinan.
Dahil dito, aabot na sa 410 branches mayroon ang Landbank sa buong bansa.
Ang Landbank Bolinao Branch ay magpo-provide ng banking services at credit assistance sa munisipalidad ng Bolinao at ng Anda na mayroong 48 na barangay.
Ayon kay Landbank President and CEO Cecilia Borromeo, layon ng bagong branch na binuksan na mailapit ang Landbank sa mamamayan lalo na sa mga magsasaka at mangingisda na nangangailangan ng tulong ngayong kasagsagan ng COVID-19.
Dumalo sa pagbubukas sina Bolinao Mayor Alfonso Celeste, Landbank North Luzon Branches Group Head First Vice President Ma. Belma Urla, Bolinao Chief of Police Major Dennis Cabigat, Landbank Bolinao Branch Head Johnny Lim at Landbank Alaminos Branch Head Roehl Bautista.
Sa tulong ng dalawang bagong onsite Automated Teller Machines (ATMs), tutulong ang Landbank sa pagbibigay ng cash assistance sa pakikipagtulungan din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) poverty alleviation programs.