Kauna-unahang “Congressional Medal of Excellence”, igagawad ng Kamara kay Olympic Champ Hidilyn Diaz

Gagawaran ng Kamara si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ng kauna-unahang “Congressional Medal of Excellence”.

Pinangunahan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang paghahain ng House Resolution 2041 matapos ang makasaysayang pagkapanalo ni Diaz ng gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics.

Naniniwala si Velasco na nararapat lamang na bigyan ng pinakamataas na parangal si Diaz dahil sa pagiging inspirasyon niya sa sambayanang Pilipino partikular na sa mga kabataang kababaihan at mga atleta ng bansa.


Ang Congressional Medal of Excellence ay unang pagkakataon pa lamang na ibibigay ng Mababang Kapulungan na inilaan para sa mga national athlete na nagwagi ng gintong medalya sa Olympics.

Naghain din ng hiwalay na resolusyon sina House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano para sa paglikha ng naturang parangal, bukod pa ang isang resolusyon para ma-institutionalize ang Congressional Medal of Excellence.

Sa kasalukuyan, mayroong dalawang Congressional Medals na ipinagkakaloob ang Kamara; ang Congressional Medal of Distinction, na para sa mga Filipino achiever sa larangan ng sports, business, medicine science at arts and culture; at ang Congressional Medal of Achievement, na pagbibigay pagkilala naman sa mga political, economic at cultural leaders.

Facebook Comments