KAUNA-UNAHANG G6PD CONFIRMATORY CARAVAN, INILUNSAD SA ISABELA

Inilunsad ang kauna-unahang G6PD Confirmatory Caravan sa Isabela kamakailan sa iba’t ibang health facilities sa probinsya.

Ang nasabing Caravan ay una sa Lambak ng Cagayan na naglalayong magbigay ng libreng confirmatory test sa mga natukoy na G6PD patients noong 2021.

Ang hindi sapat na produksyon ng enzyme na glucose-6-phosphate dehydrogenase (G6PD) ang sanhi ng ganitong deficiency sa mga bata. Mahalaga ang G6PD sa maayos na pag-function ng red blood cells.

Isang genetic condition ang pagkakaroon ng G6PD deficiency. Ito ay walang lunas ngunit ang maagang pagtuklas at pagsusuri nito ay mahalaga.

Ayon sa datos ng Philippine NBS noong Disyembre 2021, isa sa 63 bagong silang na bata ang may G6PD deficiency.

Ang proyekto ay unang ipinatupad sa Lalawigan ng Ilocos Norte noong 2021 ng Newborn Screening Center – Northern Luzon (NSC-NL) bilang tugon sa hamon ng hindi pagsunod ng mga magulang sa confirmatory testing na may negatibong epekto sa kalusugan ng mga bata.

Bilang resulta, ang G6PD Confirmatory Caravan ay kinilala sa buong mundo bilang Most Outstanding Health promotional activity ng Healthcare Asia, at Excellence Award para sa Corporate Social Responsibility ng International Hospital Federation.

Ang selebrasyon ng National Newborn Screening Week 2022 at ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng DOH Cagayan Valley Center for Health Development (DOH CVCHD) katuwang ang Isabela Provincial Health Office (IPHO), Cagayan Valley Medical Center (CVMC) G6PD Confirmatory Testing Center, at ang Newborn Screening Center – Northern Luzon.

Ang G6PD Confirmatory Caravan ay isinagawa na sa Gov. Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital in the City of Ilagan; Milagros Albano District Hospital in Cabagan, Isabela; Manuel A. Roxas District Hospital in Roxas, Isabela; and the Southern Isabela Medical Center sa Santiago City.

Nakatakdang magtapos ang aktibidad sa Oktubre 13, 2022 sa Southern Isabela Medical Center.

Facebook Comments