Kauna-unahang kaso ng COVID-19, Naitala sa Bayan ng Enrile, Cagayan

Cauayan City, Isabela- Nakapagtala na rin ng unang kumpirmadong kaso ng corona virus ang Bayan ng Enrile sa Lalawigan ng Cagayan ngayong araw.

Batay sa ulat ng DOH-RO2, isang 27-anyos na babae ang nagkaroon ng kasaysayan ng pagbiyahe sa Makati City at dumating lamang sa Bayan ng Enrile nitong Sabado, Hunyo 13 na agad namang sumailalim sa strict home quarantine.

Nabatid na ang pasyente ay nagkaroon ng pakikisalamuha sa nagpositibong pasyente sa lungsod ng Makati.


Kinuhanan ng specimen para sa swab test ang pasyente para masuri hanggang sa positibo ang resulta ng ginawang pagsusuri sa pasyente.

 

Asymptomatic o walang sintomas ang kalagayan ng pasyente na nasa pangangalaga ng  Cagayan Valley Medical Center para sa atensyong medikal.

 

Nagtutulong-tulong na ngayon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang agad na matukoy ang posibleng nakasalamuha ng  pasyente para maiwasan ang posibleng pagkalat ng nasabing sakit.

Samantala, nasa kabuuang limang (5) kumpirmadong kaso ang naitala sa buong rehiyon dos.

Facebook Comments