Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Information Officer ng Cauayan City Police Station, nakatakdang isagawa ang KKDAT Summit sa Aug. 27 at 28 ng taong kasalukuyan sa Hacienda De San Luis.
Pangunahing target na participants sa naturang aktibidad ay ang mga SK Chairman ng 65 barangays dito sa Lungsod ng Cauayan.
Pagkatapos naman ng first KKDAT Summit ay isasagawa muli ito kung saan mas malawak na ang mga iimbitahang lalahok rito.
Sinabi ni Major Galiza na layon ng aktibidad na maimpormahan muli ang mga kabataan sa kanilang role sa kapwa at komunidad dahil sa mga nakalipas na taon ay hindi umano naging aktibo ang ilan sa mga KKDAT officers kaugnay sa kanilang mahalagang papel sa kanilang barangay.
Bukod dito ay para magabayan din ang mga kabataan sa pagtulong sa ating kapulisan para mawakasan ang problema sa droga at terorismo.
Bagamat may ilang kabataan na hindi naging aktibo sa mga nakaraang taon sa panahon ng pandemya, nagpapasalamat pa rin ang pamunuan ng PNP sa inisyatibo at pagiging aktibo pa rin ng mga Youth leaders na nagsisilbing modelo sa kanilang barangay at paaralan.
Labis din ang papasalamat ng PNP Cauayan sa suporta ng LGU sa pangunguna ni City Mayor Jaycee Dy Jr. at grupo ng mga kabataan para sa layong masugpo ang problema sa droga at terorismo sa Siyudad.
Inaasahan naman na magiging masaya ang ilulunsad na KKDAT Summit sa Lungsod dahil magkakaroon ng mga palaro at kompetisyon gaya ng slogan contest, poster making, Mr. & Ms. KKDAT at iba pang kompetisyon na magpapakita sa kahusayan at talento ng mga kabataan.
Magsisilbi namang guest of speaker si City Mayor Jaycee Dy Jr. sa isasagawang dalawang araw na Summit.