Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ng kauna-unahang Miss BaranGAYanihan 2021 ang bayan ng Angadanan sa pangunguna ng mga opisyal ng KKDAT kasabay ng selebrasyon ng International Youth Day, Youth Week at World Indigenous Peoples Day.
Siyam na mga kabataan na kabilang sa LGBT advocacy group ang lumahok sa nasabing patimpalak na inorganisa ng KKDAT Angadanan Chapter katuwang ang PNP, SK Federation, Local Youth Federation Council, Local Government Unit ng Angadanan, 205th Maneuver Company at Isabela Police Provincial Office.
Layon ng nasabing aktibidad na itaguyod ang diwa ng pagboboluntaryo o ang “Bayanihan Spirit” sa mga kabataan at magsilbing modelo sa kanilang komunidad kahit na nasa gitna ng pandemya.
Kinoronahan bilang Miss BaranGAYanihan 2021 si Antony Nartates ng “Pisbakal Region”; habang nakuha naman ni Edds Domingo ng “Forest Region” ang unang pwesto at magsisilbi na rin official social media endorser ng isang Farm samantalang pangalawa sa pwesto si Russel Fabie ng “Minanga Region”.
Dagdag dito, nakuha naman ang titulo para sa Miss BaranGAYanihan anti-illegal Drug Campaign Ambassadress ni MJ Manuel ng “Cadalorian Region” habang si Lhian Dadda Payumo ng “Fugaru Region” ay nakuha ang titulong Miss BaranGAYanihan Anti-terrorism Campaign Ambassadress.
Isinagawa ang nasabing aktibidad sa pamamagitan ng virtual platforms.