KAUNA-UNAHANG PET CEMETERY, BINUKSAN SA LA UNION

Sa likod ng makukulay na bulaklak at matatayog na punongkahoy sa loob ng Botanical Garden sa San Fernando City La Union, isang bagong espasyo ang binuksan—hindi para sa tao, kundi para sa kanilang mga pinakamamahal na alaga.

Ang ideya ng pet cemetery ay maaaring bago para sa karamihan, ngunit para sa mga “fur parents,” ito ay isang makabuluhang tugon sa matagal nang pangangailangan—isang lugar kung saan maaari nilang ilibing ang kanilang mga alagang itinuring nang bahagi ng pamilya.

Itinalaga ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang 1,000 square meters ng lupa para dito, ngunit higit pa sa sukat ng espasyo ang tunay na kahulugan nito.

Isa sa mga natatanging patakaran ng sementeryo ay ang pagtatanim ng puno ng native na bayabas at bougainvillea sa bawat puntod. Layunin nitong mapanatili ang likas na ganda ng Botanical Garden, ngunit simboliko rin ito parang paalala na habang ang buhay ay nagtatapos, may panibagong simula na umuusbong.

Ayon kay Mercado, pangulo ng Chamber of Commerce and Industry of La Union (CCILU), ang pet cemetery ay hindi lamang lugar ng pamamaalam, kundi ng paggunita.

Dagdag pa niya, ang proyekto ay tumutulong ding maiwasan ang di-wastong paglibing ng hayop na maaaring magdulot ng sakit o polusyon.

Sa pagbubukas ng kauna-unahang pet cemetery sa La Union, isa itong hakbang patungo sa mas makataong pakikitungo sa mga hayop kahit sa kanilang huling hantungan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments