Pamunuan ng DA, nasaktan nang husto sa banat ni VP Sara Duterte sa kalidad ng NFA rice

Nagpahayag ng pagkadismaya si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na kumukuwestiyon sa kalidad ng bigas ng National Food Authority (NFA) na ibebenta ng ₱20 per kilo.

Ayon kay Secretary Tiu Laurel na tumatayong chairman ng NFA Council, lubhang nasaktan aniya ang mga empleyado at opisyal ng DA makaraang sabihin ni VP Sara na ang ibebentang bigas ng NFA ay hindi pang-tao, kundi panghayop.

Inilarawan ni Secretary Tiu-Laurel ang rice program bilang pangunahing bahagi sa pagtupad sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong panahon ng kampanya noong 2022 na mapagaan ang gastusin ng pamilyang Pilipino lalong-lalo na sa mga mahihirap na sektor.

Paliwanag pa ng Kalihim na sila umano ay matinding nakatuon sa paghahatid ng dekalidad na bigas sa mga mamamayang Pilipino.

Dagdag pa ng Kalihim na sa kanilang tanggpan ay niluluto at kinakain nila ang bigas ng DA araw-araw kung saan ay ginagarantiya ng ahensiya ang kalidad at kaligtasan nito.

Sa ilalim ng batas, may mandato ang NFA na bumili lamang ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka upang masuportahan ang lokal na agrikultura.

Sabi pa ni Secretary Tiu-Laurel na sa pagsasabing ang bigas ng NFA ay pakain lamang sa hayop ay isang paghamak umano sa kalidad ng bigas ng milyon-milyong magsasaka na nagpapakahirap nang husto sa kanilang pagsasaka.

Nanawagan si Secretay Tiu Laurel kay Vice President Sara na isantabi muna ang hindi pagkakaunawaan sa politika at makipagtulungan sa DA upang matulungan ang araw-araw na pakikipagsapalaran ng mga ordinaryong Pilipino.

Facebook Comments