Kinagiliwan ng mga kabataan ang kauna-unahang skate park sa Dagupan City matapos itong ipasilip sa publiko sa Bonuan Tondaligan Blue Beach.
Bitbit ang kani-kanilang skateboard, agad sinubukan ng ilang kabataan ang iba’t ibang tricks at galaw bilang bahagi ng kanilang pag-eensayo at pagpapakita ng talento.
Ramdam ang excitement at saya ng mga ito sa pagkakaroon ng maayos at ligtas na espasyo para sa kanilang libangan.
Bagama’t hindi pa pormal na binubuksan, kapansin-pansin ang positibong pagtanggap ng publiko sa bagong pasilidad.
Para sa maraming kabataan, isa itong patunay na mas nabibigyang-pansin na ang kanilang interes at talento.
Inaasahan ding magsisilbing venue ang skate park para sa mga skateboarding events sa hinaharap, isang dagdag na pagkakataon para sa mga batang skaters na maipamalas ang kanilang husay at mas mapalawak pa ang komunidad ng skateboarding sa lungsod.








