Pinuna ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang kawalan pa rin ng action plan ng executive department kung paano tutugunan ang COVID-19 outbreak isang linggo matapos ipasa ang Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay Lacson, sa report na isinumite sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakalahad ang tatlong priority programs.
Kinabibilangan ito ng pagbibigay ng emergency assistance sa mga sektor na higit na apektado ng mga hakbang laban sa COVID-19; pagtiyak sa sapat na pasilidad at resources para sa health sector; at pag-aksyon para sa ekonomiya.
Dismayado si Lacson na lahat ito ay walang action plan kung paano maisasakatuparan at magdedetalye din kung paano gagastusin ng mga implementing agencies ang pondo laban sa COVID-19.
Binanggit din ni Lacson ang kawalan ng malinaw na guidelines para makapagsagawa ng mass testing ang Local Government Units (LGUs) matapos na aprubahan ng Food and Drug Administration o FDA ang COVID-19 rapid test kits.
Nangangamba si Lacson na dahil sa nabanggit na mga pagkukulang sa panig ng ehektibo ay baka mawalan ng saysay ang ipinasa nilang batas na nagbibigay ng espesyal na kapangyarihan sa Pangulo para mapalakas pa ang aksyon ng gobyerno kaugnay sa krisis na hatid ng COVID-19.