Kawalan ng Disiplina sa Pagmamaneho, Pangunahing dahilan ng Banggaan sa Cabatuan!

Cabatuan, Isabela- Pinaalalahanan ng PNP Cabatuan ang mga motoristang lasing at walang disiplina sa pagmamaneho sa kanilang bayan na maging responsable at maging maingat ang mga ito.

Ito ang naging pakiusap ni Police Senior Inspector Orlando Marayag sa kanilang mga kababayan sa naging talakayan ng RMN Cauayan kaugnay sa kadalasang nagaganap na banggaan ng mga motorsiklo sa kanilang nasasakupan.

Aniya, isa umano sa pangunahing naitatala sa kanilang tanggapan ay ang salpukan at gitgitan ng mga motorsiklo at iba pang mga sasakyan dahil umano sa kawalan ng disiplina sa pagmamaneho lalo na sa gabi.


Dagdag pa niya, patuloy umano ang kanilang isinasagawang magdamagang pagroronda upang matiyak na ligtas ang kanilang bayan at naglagay na rin umano sila ng CCTV sa mga lansangan upang makatulong sa kanilang pag-iimbestiga kung sakaling mayroong maitalang insidente sa kanilang nasasakupan.

Samantala, masaya namang ibinahagi ni PSI Marayag ang kanilang pakikibahagi sa gaganaping Brigada Eskwela kaugnay sa nalalapit na pasukan ngayong taon hindi lamang sa pagbabantay kundi maging umano sa pagtulong sa paglilinis at pag-aayos sa mga silid aralang gagamitin ng mga bata.

Sa ngayon ay pinaghahandaan na din umano nila ang gagawing pagbabantay sa mga accident prone areas na paaralan upang magabayan ang mga mag-aaral sa pagtawid sa mga kalsada upang makaiwas sa disgrasya.

Facebook Comments