Kawalan ng pondo para sa bangketa at elevated walkways sa 2021 budget, kinuwestyon ni Senator Poe

Ikinadismaya ni Senadora Grace Poe na kahit isang sentimo sa panukalang P1.10 trilyon na budget para sa mga imprastraktura sa susunod na taon ay walang nakalaan para sa walkway.

Dahil dito, iginiit ni Poe na paglaanan ng pondo sa 2021 national budget ang mga pedestrian infrastructure tulad ng bangketa at elevated walkways.

Tinukoy ni Poe na ayon sa pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB), halos 35% ng mga destinasyon ay kayang lakarin sa loob lang ng 15 minuto.


Pero dahil walang maayos na bangketa para lakaran ng publiko, ay napipilitan ang mga Pilipino na mag-commute o gumamit ng sariling sasakyan.

Ayon kay Poe, ang Department of Transportation (DOTr) mismo ang nagsabi na madali lang itayo ang mga elevated walkway pero hindi naman pinopondohan.

Binanggit pa ni Poe na ang P8.51 bilyong EDSA Greenways project ay inaprubahan ng National Economic and Development Authority Board noong Enero subalit nananatiling nasa listahan ng mga pangunahing proyekto.

Facebook Comments