Paiimbestigahan ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa Kamara ang batas para sa paglalagay ng ‘rainwater collectors’ sa lahat ng barangay sa buong bansa.
Hiniling ng kongresista ang pagsilip sa implementasyon sa 30 taon ng batas kasunod ng matinding tag-tuyot na nararanasan sa ilang lugar sa bansa dulot ng El Niño.
Ayon kay Pimentel, taong 1989 pa naging batas ang RA 6715 o ang Rainwater Collector and Springs Development Law kung saan magpapatayo ng ‘rainwater harvesters’ sa lahat ng barangay sa bansa na maaaring gamitin sakaling magkaroon ng kakulangan ng suplay sa tubig o kaya ay makaranas ng matinding tag-init sa bansa.
Sa ilalim ng batas, sa loob ng 30 araw mula ng maging ganap na batas ay inaatasan ang DPWH na magtayo ng water wells, rainwater collectors, at pag-develop sa springs gayundin ang rehabilitasyon ng mga water wells.
Kailangan aniyang masiyasat at makita kung anong problema at hindi naipapatupad ang batas para agad na mabigyan ng solusyon at mabigyan ng Kongreso ng kinakailangang pondo.