Kawalan ng smuggler na nakukulong, kinuwestyon ng isang senador

Isang malaking tanong para kay Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar kung bakit wala pang nakukulong na smuggler sa bansa sa kabila ng naglalakihang volume ng mga nasasabat na mga ipinuslit na agricultural products.

Dahil dito ay naniniwala si Villar na maaring hindi naipapatupad ng mahigpit ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 na nagdedeklara sa large-scale agricultural smuggling bilang economic sabotage at nagpapataw ng mas mataas na parusa sa mga nasa likod o sangkot dito.

Binanggit ni Villar na base sa batas ay maituturing na economic sabotage ang smuggling ng 10-milyong pisong halaga ng bigas at 1-milyong pisong halaga ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng asukal, mais, karne ng baboy at manok, bawang, sibuyas, isda, mga gulay at prutas.


Giit ni Villar, kailangang tiyakin na natutupad ang polisiya ng estado na pangalagaan ang agriculture sector dahil kung hindi ay babagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka, manganganib ang ating seguridad sa pagkain at maaapektuhan ang ating ekonomiya.

Ang pahayag ni Villar ay bilang pagsuporta sa hinaing ng mga Pilipinong magsasaka na kasuhan ang agricultural smugglers, kabilang ang big-time government personalities na sangkot dito at nanatiling “untouchables.”

Tinukoy din ni Villar ang sinabi ng League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Areas sa nakalipas na pagdinig ng Senado na nawawalan sila ng P2.5 milyon kada araw sa kita sa carrot sanhi ng smuggling ng mga gulay.

Facebook Comments