*K**asibu**, N**ueva** V**izcaya**-* Patuloy pa rin ang pagbarikada o isinasagawang checkpoint ng mga kawani at residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya sa daan na patungong minahan ng Didipio bilang protesta sa patuloy na pagmimina ng OceanaGold sa kabila ng napaso nitong Financial or Technical Assistance Agreement o FTAA.
Kasunod ito sa ipinag-utos ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla ang pagtatatag ng checkpoint upang mapigilan ang paglabas ng mga extracted mineral sa naturang minahan sa Barangay, Didipio, Kasibu.
Dahil ito sa patuloy na operasyon ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI), sa kabila ng expired na lisensiya nitong FTAA nitong Hunyo 20, 2019.
Naglabas na ng direktiba si Gov. Padilla na sisitahin at huhulihin na ng kapulisan at mga opisyal ng Barangay ang mga sasakyan ng Australian mining firm na maglalabas ng mga minerals sa minahan dahil sa iligal na operasyon ng dayuhang kompanya.
Matatandaan na umapela ang mga anti-mining groups kay Pangulong Rodrigo Duterte na irespeto ang kanilang desisyon dahil sila umano ang nakakaranas ng negatibong epekto ng pagmimina sa nasabing lugar.
Ayon kay Celia Bahag, Barangay Konsehal ng Didipio, isang Ifugao na namumuno sa Enviroment and Agriculture Committee na labis nang nakasasalanta ang pagmimina ng kompanya sa kanilang barangay.
Ang FTAA ay isang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at kontraktor para sa malawakang eksplorasyon at pakikinabang sa ginto, tanso, nikel at iba pang mineral ng isang lugar.
Kamakailan lamang, naghain ang lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya ng restraining order upang harangin ang operasyon sa 12,864 hektaryang minimina ng OceanaGold na may napasong dokumento.
Sinabi ni Julie Simongo, Chairwoman ng Samahang Pang Karapatan ng Katutubong Manggagawa at Magsasaka Inc., kahit na mapirmahan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang renewal ng FTAA ay hindi mapipigilan ang mga taong harangin ito, bagay na sumisira raw sa kanilang kalikasan.
Noong 2013, binantaan rin ng pagpapasara ang Oceanagold matapos mapag-alamang nabigo ito sa pagbayad ng lokal na buwis, pagkuha at pag-renew ng business permit at barangay clearance.
Isang taon bago ang pangyayari, naiulat rin ang diumanong paglabag nito sa karapatang pantao nang aksidenteng namatay ang isang konsehal at barangay tanod sa sagupaan sangkot ang mga guwardiya ng Oceanagold.
Sang-ayon naman ang mga militanteng environmentalist mula sa alyansang Kalikasan People’s Network for the Environment o PNE sa pag-oorganisa ng mga residente ng Kasibu kung kaya’t naturingang sangkot ang OceanaGold sa “environmental and humanitarian crimes.”
Marami nang pag-aaral at imbestigasyon sa OceanaGold ang nagsisiwalat kung paanong 80% sa kanilang mga residente ang may problema ngayon sa pagkakaroon ng malinis na tubig na walong beses na umanong mas mataas sa safety levels ang polusyon sa ilog para sa “riverine biodiversity.”