Sinuspinde ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang isang empleyado ng Office of Public Security dahil nahuli itong tumanggap ng P500 mula sa isang violator ng Anti-Smoking Law.
Ayon kay Mayor Sotto, nakuhanan ng video ng isang netizen na si Jovit Caingcoy ang pangyayari at isinapubliko niya ito kung kaya marami ang nakapanood hanggang sa umabot sa kanyang opisina.
Pinasalamatan din ng alkalde si Caingcoy dahil sa katapangan nito at nanawagan pa si Mayor Vico sa mamamayan ng lungsod na tumulong sa pagbantay at pagsugpo ng mga tiwaling empleyado ng Pasig City Government.
Batay sa video, todo pakiusap ang nahuling naninigarilyo at inilabas naman ng OPS ang kaniyang Ordinance Violation Receipt o OVR at tumagal ang usapan na mistulang nakikipag-areglo ang lumalabag sa batas.
Dismayado si Sotto dahil sa video makikitang iniaabot ng violator ang pera ngunit hindi direktang tinanggap ng officer, bagkus ipinalagay niya ito sa dala-dalang maliit na bag upang hindi sila mapansin at kunwari ay tumitingin lang sa OVR ang nahuli.