Nakipag-dayalogo sa mga miyembro ng media ang Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Sabado.
Naging sentro ng usapin ang pagbibigay ng proteksyon sa mga mamamahayag kasunod na rin ng nangyaring pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ayon kay Herman Basbaño, president ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), napagkasunduan sa pulong na sa halip na bahay-bahay ay idaraan sa media outlet o media organization ang pakikipagkamustahan ng mga pulis sa mga journalist.
Iminungkahi rin nilang gawin ang dayalogo sa pamamagitan ng Presidential Task Force on Media Security o PTFOMS.
“Inamin naman talaga ni Secretary [Benhur] Abalos na, aba’y kailangang ayusin ‘yan sa ganoong pamamaraan kaya nga binawi na nila yung ganoong order. Kahit sina [NCRPO Chief] General [Jonnel] Estomo, nasabi rin nila na ang pakay nila talaga ay matulungan ang mga miyembro ng media in the light of what happened kay Percy Lapid,” ani Basbaño sa interview ng RMN Manila.
“Sa akin lang, parang hindi naman, of course na maganda na bigla na lang may sisipot sa bahay ng isang member ng media nang hindi niya alam kahit naka-uniporme pa ano, e how much more kung hindi naka-uniforme, may worry ‘yan. Pero naayos na yan,” dagdag niya.
Samantala, hinikayat ng PNP ang mga miyembro ng media na agad na magsumbong sa kanila sakaling makatanggap ng death threat.
Apela naman ng KBP sa PNP na bilisan ang pag-assess sa mga natatanggap na pagbabanta ng mga journalist upang agad din silang mabigyan ng seguridad at proteksyon.
“For example may threat ang kasapi ng media, agad-agad na i-report sa mga awtoridad. May proseso silang sinasabi pero napag-usapan din namin na pabilisan lang yang proseso na i-assess yung threat na yan, ang danger na yan na kinahaharap ng media sa pinakamabilis na panahon. And then, kung may validation, siguradong may threat naman talaga, ang susunod na mga hakbang e gawin. Kung kailangan na bigyan siya ng nararapat na proteksyon, kung kailangan ng security e yun ang dapat na sunod na gawin after ng evaluation,” apela ni Basbaño.
Punto ni Basbaño, hindi naman sa humihingi sila ng special treatment pero kakambal kasi ng trabaho ng media ang panganib dahil sa pagiging watchdog at boses ng bawat Pilipino na biktima ng katiwalian, korapsyon at pang-aabuso.
“Ang media kasi, ang trabaho natin ay parang iba kumpara sa ibang sektor ng ating sosyedad. Hindi lang tayo nagbabalita, hindi lang tayo nag-iinterview. Kasama sa trabaho natin ang maging watchdog, to expose ‘shenanigans’ whether in private life or in a government, to expose corruption, abuse of power, hindi nakikita yan sa ibang sektor, sa media yan ginagawa kaya nga may exposure sa risk at danger na mas iba sa mga kasapi ng media,” paliwanag ng KBP president.
“Kaya kailangan may extra attention na ibigay ang ating pamahalaan. Obligasyon din ng pamahalaan na i-secure ang lahat kasama na d’yan ang media,” dagdag pa niya.