KBP officials, pinupulong ng PCOO hinggil sa pagbibigay ng Public Service Announcement kaugnay ng COVID-19

Nakipag-pulong ang mga opisyal at board members ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.

Ayon kay KBP President Ruperto “Jun” Nicdao, kaisa ang KBP sa pagpapakalat ng napapanahon at tamang impormasyon hinggil sa COVID-19.

Layon din nitong maiwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon o fake news hinggil sa kinatatakutang sakit.


Sinabi naman ni KBP Chairman Herman Basbaño na nais tumulong ng Kapisanan sa kampanya ng pamahalaan kontra COVID-19.

Ang mga impormasyon hinggil sa COVID-19 ay magmumula sa PCOO at Department of Health (DOH) at i-eere sa mga estasyon ng radyo at telebisyon na miyembro ng KBP ng libre.

Ang KBP ay nabatid na pinaka malaking broadcast media organization sa bansa na mayroong higit isang libong miyembro mula sa iba’t-ibang TV & radio organizations.

Facebook Comments