
Umarangkada na ang kick off rally ng senatorial slate ng administrasyon sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa balwarte mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Ilocos Norte.
Pinangunahan mismo ng pangulo ang pagtaas-kamay ng mga kandidato para ipahayag ang kanyang suporta at pakikiisa.
Sa unang pagkakataon ay present ang lahat ng 12 kandidato ng alyansa, kahit pa si Sen. Imee Marcos na una nang umalis sa alyansa noong nakaraang taon.
Sa talumpati ng pangulo sa kick off rally, ikinumpara nito ang kaniyang mga kandidato sa mga kandidato ng ibang partido.
Ayon sa Pangulo, tila nakakaawa daw ang ibang partido na hirap kumpletuhin ang kanilang miyembro di tulad sa alyansa na natatanging koalisyong nakakumpleto ng 12 slate.
Nagtataka rin aniya siya sa ibang partido na tila kung saan-saan lang napulot ang mga kandidato hindi tulad sa tiket ng alyansa na subok sa serbisyo, may magandang rekord matingkad ang kakayahan kapag pinagsasama- sama.
Giit pa ng pangulo, ang lahat ng kaniyang kandidato ay walang bahid ng dugo dahil sa tokhang, walang pumapalakpak para sa China, walang sangkot sa pagbulsa ng pera noong pandemya, at higit sa lahat walang nagsusulong sa POGO.
Makakaasa raw ang mga Pilipino na kung lahat sila ay mananalo sa darating na eleksyon ay hindi babalik ang bansa sa ganitong klaseng pamamahala na tila pasaring sa administrasyong Duterte.