Kilabot na miyembro ng akyat-bahay gang, arestado sa San Juan City

Arestado ang isang kilabot na miyembro ng akyat-bahay gang na responsable sa pagpasok at serye ng panloloob sa mayayamang residente ng North at South Greenhills sa lungsod ng San Juan.

Kinilala ni City Chief of Police Colonel Jaime Santos ang suspek na si Jomari Aspra, 23-anyos ng Bagong Lipunan Crame Quezon City.

Ayon kay Santos, nito lamang buwan ng Disyembre ay nabiktima ni Aspra ang isang bahay sa Greenhills, na nilooban at natangayan ng mahahalagang gamit.


Humingi ang mga tauhan ng San Juan City Police ng permiso sa pamunuan ng subdibisyon para makapasok at magsagawa ng routine inspection.

Nahuli ang suspek kaninang alas otso ng umaga matapos bantayan ng mga otoridad ng mahigit pitong oras nang muling mambiktima ng isang mansyon sa North Greenhills kagabi.

Batay sa rekord na hawak ng San Juan City PNP, nakulong na sa QC Jail ang suspek noong nakalipas na buwan ng Marso dahil sa kahalintulad na kasong robbery.

Aminado si Aspre na dalawang taon na siyang umaakyat sa mga malalaking bahay para magnakaw.

Nakuha kay Aspre ang isang kalibre .38 baril na puno ng bala.

Facebook Comments