Hindi lang isa, kundi dalawang transgender sa Pilipinas ang tinanggap ng Cebu Pacific bilang flight attendant.
Nakatakdang lumipad ngayong linggo sina Mikee Vitug at Jess Labares na pinaniniwalaang kauna-unahang mga transwoman flight attendant sa Pilipinas.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Vitug, 26-anyos, na biglaang ideya lang ang plano niyang magtrabahong cabin crew–na alam niya raw na imposible lalo na sa konserbatibong bansa.
Naging desidido ang dating pharmacist nang himukin siya ng kanyang kasintahan at payuhang “stop resisting because there’s no harm in trying”.
Bilang paghahanda, nagbasa raw siya ng mga article at nanood ng mga bidyong makatutulong sa kanyang pag-aapply.
Laking bilib ni Vitug sa sarili nang makapasa siya sa kabila ng maraming bagay ikinababahala niya, gaya na lamang daw ng kanyang taas, ngiti at kulay ng balat.
“Sobrang proud ako sa sarili ko na naka survive ako at eto na naka graduate na ako ng training at check ride masasabi ko na I am now officially a cabin crew!” aniya.
“I feel honored and humbled that I am one of the first transwoman Cabin crew dito sa Philippines. This is something new and I hope it will spark a change sa kung paano ang pag tingin ng mga tao sa mga transwoman na hindi kami i box or i stereotype kasi tao din naman kami, capable din kami, normal lang din kami na tao,” saad ni Vitug sa post.
Samantala, hindi rin daw pinangarap ni Labares ang maging flight attendant, sa halip itinuturing niya ito biglang pagsubok para alamin pa ang kanyang kakayahan.
“Sometimes we really have to take that brave step beyond our comfort zone to become a little more aware of who we are and to be well-acquainted with the limits of what we can do,” saad ng beauty queen sa kanyang Facebook post.
Higit dalawang buwan bago maipasa ni Labares ang para sa kanya’y pinakamahirap na ensayong pinagdaanan sa tanang buhay niya.
Itinuturing din niya ang kanyang pagkakapasa bilang magandang bagay para sa LGBTQ+ community.
“It is another milestone in the country that shows that Cebu Pacific is diverse and multicultural company. This wouldn’t be possible not because of the pillars, bosses and supervisors of the company,” aniya.
Nais ni Labares na magsilbing inspirasyon hindi lamang sa mga miyembro ng LGBTQ+ community, kundi sa lahat ng taong may pinapangarap.