Inspirasyong maituturing ang ipinamalas na pagsisikap ni Abzonie Reño, ang kauna-unahang summa cum laude ng Caraga State University – Ampayon Butuan City campus.
Bago makapagtapos with flying colors, pitong taonng tumigil sa pag-aaral dulot ng kahirapan ang 27-anyos na graduate ng Bachelor of Science in Secondary Education Major in Math.
Kuwento ni Reño sa panayam ng ABS-CBN, nang makapagtapos sa high school ay nakipagsapalaran siya sa Manila–namasukan bilang factory worker, panadero, security guard sa isang pribadong paaralan at sumideline pa bilang janitor at houseboy, para makatulong sa pamilya.
Paglalabada ang pinagkakaabalahan ng kanyang nanay para maitaguyod silang apat na magkakapatid.
Taong 2015 nang bumalik siya sa Butuan at naghanap ng scholarship.
Sa unibersidad, nagsilbi rin siyang inspirasyon at hinimok ang mga kaibigan na mag group study–ang resulta, 10 sa kanilang 15 na magkakaibigan ay nakapagtapos with honors.
“Sobrang saya po proud sa sarili kasi ‘yun nga hindi ako bumalik ng pag-aaral para mag-excel bumalik lang ako para makapagtapos lang po, pero sobra-sobra pa po yung binigay ni Lord,” kuwento ni Reño.
Bukod sa naiuwing parangal, naipatayo niya rin ng bagong bahay ang kanyang pamilya gamit ang mga naipong allowance mula sa scholarship.
Sa ngayon, pinaghahandaan na ng madiskarteng summa cum laude ang Licensure Exam for Teachers at ang plano nitong Master’s degree sa Education.