Killer sa Lalawigan ng Isabela, Bagsak na sa Kulungan!

*Cauayan City, Isabela- *Nasa kamay na ng mga alagad ng batas ang itinuturing na Top 1 Most Wanted Municipal Level, Top 1 Most Wanted Provincial Level sa 2nd Quarter ng taong kasalukuyan at Top 3 Most Wanted Provincial Level noong taong 2018 matapos na madakip sa Brgy. Banquero, Reina Mercedes, Isabela.

Kinilala ang nadakip na si Melanio dela Cruz, 55 anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Matusalem, Roxas, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), hinuli si Dela Cruz sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni hukom Isaac De Alban ng RTC Branch 16, City of Ilagan, Isabela dahil sa kasong 2 counts na pagpatay.


Huli rin si Dela Cruz sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni hukom Bernabe Mendoza ng RTC Branch 23 sa kaparehong kaso at isa pang warrant of arrest na ipinalabas naman ni hukom Bonifacio Ong ng RTC Branch 24, Echague, Isabela sa kaso rin na pagpatay.

Posibleng hindi na makakalabas ng kulungan si Dela Cruz dahil walang ini rekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Dinala na sa himpilan ng PNP Reina Mercedes ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments