Manila, Philippines – Sinalubong ng mga militanteng grupo ng kilos protesta ang panibagong nakaambang oil price increase.
Kinalampag ng labor group na Kilusang Mayo Uno ang isang sangay ng gasolinahan sa E. Rodriguez Sr. Avenue malapit sa kanto ng Eymard Drive sa Quezon City.
Paliwanag ng KMU, paunang tugon nila ang protesta matapos makatanggap ng impormasyon na muling magkakaroon ng panibagong round ng ‘big-time oil price hike’ ngayong linggo.
Wala na anilang pigil na magpatupad ng taas presyo sa kanilang produkto ang mga dambuhalang kumpanya ng langis na labis na umanong nakaka-apekto sa ordinaryong mamamayan.
Ayon pa sa grupo, magmula noong January 2018 umakyat na sa halos sampung piso ang itinaas sa presyo ng diesel, gasolina at kerosene na mula sa serye ng linggu-linggong oil price adjustments.
Sabi pa ng KMU, ito ang pangunahing dahilan kung bakit nagtaas rin ang mga serbisyo at bilihin bukod pa sa epekto ng TRAIN law at oil deregulation law.
Babala ng mga militante na umpisa pa lang umano ang hakbang na ito at magpapatuloy sila sa pangangalampag hangga’t hindi naaawat ang taas presyo sa petrolyo.