Manila, Philippines – Ikinasa na ng mga militanteng grupo ang kanilang malawakang kilos protesta upang singilin si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga pangako sa bayan noong kampanya at SONA.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, nakatakdang magsagawa ng kilos protesta ang ibat ibang militanteng grupo sa darating na na Biyernes Hunyo a-30 at mismo sa State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa Hulyo a-24.
Paliwanag ni Reyes kaya sila magsasagawa ng malawakang kilos protesta ng dalawang araw upang ipaalala umano sa pangulo ang kanyang mga pangako sa bayan.
Giit ni Reyes, bakit hinayaan ni Pangulong Duterte na matanggal si dating DENR Secretary Gina Lopez, at bakit hindi pa umano ma-confirm ng Kongreso sina DSWD Secretary Judy Taguiwalo at DAR Secretary Rafael Mariano, bakit umano nasesentro sa ceasefire ang usapin ng Usapang Pangkapayapaan sa halip na pagbubuo ng kasunduan para sa pundamental na reporma sa ekonomiya at pulitika at marami pang mga katanungan na dapat umanong sagutin ng Pangulo.