Inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring magsagawa ng kilos-protesta ang mga anti-Marcos malapit sa lugar ng inaguasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. basta mayroon silang permiso.
Ayon kay Guevarra, hanggang hindi lumalabag sa batas ang mga pahayag ng tumutuligsa kay Marcos ay ma-eenjoy ng mga raliyista ang freedom of expression.
Ngunit dagdag ng kalihim ay may mga regulasyon na dapat sundin.
Sa ilalim ng Batas Pambansa 880 o ang Public Assembly Act of 1985, kailangang maka-secure ng isang rally permit mula sa Local Government Unit (LGU) ang mga nais magsagawa ng isang public assembly sa mga pampublikong lugar maliban na lamang ay isagawa ito sa freedom park, pribadong ari-arian o kaya sa campus ng mga paaralan na pagmamay-ari ng gobyerno.
Mababatid na sinabi ng Philippine National Police (PNP) na papayagan lamang nila magsagawa ng rally sa mga itinalagang freedom parks at kalaunan ay sinabi ni acting PNP Chief Lieutenant General Vicente Danao Jr. na papayagan lamang nila ang mga raliyista na isagawa ito malapit sa National Museum kung sisigaw lamang ang mga ito ng “Mabuhay” o di kaya ay “Long live!” President-elect Marcos.