Cauayan City, Isabela- Mariing kinokondena ng New People’s Army- Henry Abraham Command ang umano’y paglapastangan ng military sa mga bangkay ni Justine ‘Ka Aira’ Bautista, Bangot ‘Ka Aldy’ Bisiotan at Junior ‘Ka Taglay’ Pastor, pawang mga rebolusyonaryong martir ng mamamayan sa silangang bahagi ng Cagayan.
Base sa pahayag ng grupo, uhaw at naglalaway ang pinagsamang pwersa ng 5th Infantry Star Division at 501st Infantry Brigade na pinamumunuan SSgt. Joefraizer Lumingis matapos gawin ang paghuhukay sa bangkay ni ‘Ka Aira’ sa isang bakanteng lote sa Barangat Bitag Grande, Baggao, Cagayan nitong Enero 23.
Giit ng grupo, mistulang pangongolekta ng medalya ang ginagawang paghuhukay sa mga bangkay ng rebolusyonaryong martir at paglabag daw sa international human rights ang ginagawa ng pamunuan ng 5ID.
Sinabihan rin ng grupo na walang modo at pakundangang ginagamit ng mga militar upang magpalaganap ng ‘psywar’ na sumasagi sa sensitibong bahagi ng buhay ng mamamayan.
Samantala, tinawag rin na ‘pa-epal’ ang dating Kadre ng CPP-NPA na si Ivylyn ‘Ka Red’ Corpin matapos umano nitong ihayag ang tungkol sa buhay ng namayapang si ‘Ka Aira’ at wala din umanong karapatan si Corpin na gawin ito.
Sa isang pahayag, isinalarawan naman ni ‘Ka Red’ ang panahon kung kalian napatay ang dati n’yang kasamahan na si ‘Ka Aira’.
Ayon kay Corpin, walang pakeelam ang kanyang mga dating kasamahan matapos ang nangyaring pagkabaril kay ‘Ka Aira’ dahil sa tila wala na itong silbi kung kaya’t ganun nalang ang kanilang prinsipyo.
Hiling naman ni Ivylyn na wala na sanang kabataan ang matulad sa nangyari kay ‘Ka Aira’ na para aniyang basura na itinapon lang pagkatapos pakinabangan.