Manila, Philippines – Kinalampag ni ACT Teachers Representative France Castro na hindi dapat palusutin sa asunto si dating Customs Commissioner at ngayon ay TESDA Director General Isidro Lapena kaugnay sa drug smuggling sa bansa.
Giit ni Castro, dapat na makasuhan si Lapeña sa pagiging incompetent nito at pagpapabaya sa tungkulin sa Customs sa kabila nang nailipat na ito ngayon sa TESDA.
Sa halip aniyang papanagutin si Lapeña dahil sa P11 Billion na iligal na droga na nakalusot umano sa Cavite, tila nabigyan pa ito ng reward sa pagiging cabinet member.
Naniniwala naman si ACT Teachers Representative Antonio Tinio na inilipat sa TESDA si Lapeña para iligtas ito sa asunto at para tapusin na ang kontrobersyal na isyu sa mga nakalusot na droga sa Customs.
Aniya pa, ginagawan na naman na drama o palabas ni Pangulong Duterte ang isyu sa droga imbes na tugunan ang problema sa korapsyon sa mga itinatalaga nitong opisyal sa gobyerno.
Patunay aniya na scam lamang ang war on drugs ng pamahalaan dahil napoprotekatahan ang mga lider ng sindikato ng iligal na droga gayong napapatay ang mga ordinaryong mamamayan.