Manila, Philippines – Muling kinalampag ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang Kamara na bilisan ang pag-apruba sa tatlong panukala na makapagpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang suhestyon ay bunsod na rin ng pagpalo ng presyo ng langis sa world market na aabot sa halos $83 per barrel.
Partikular na pinamamadali ni Zarate ang House Bill 1760 o pagbili ng gobyerno sa Petron, House Bill 3676 o ang pag-regulate sa oil industry at House Bill 3678 o pag-centralize ng procurement ng produktong petrolyo.
Giit ni Zarate, dapat na madaliin ng gobyerno ang pagpapatibay sa mga panukala para hindi na matali ang bansa sa impluwensya ng oil cartels.
Aniya, nakatali ang bansa sa dikta ng mga higanteng transnational oil corporations dahilan kaya 95% ng petroleum requirements ng bansa ay nakadepende sa imported na langis.
Kung mapapasakamay na muli ng gobyerno ang Petron ay magagawa ng impluwensyahan ang merkado sa pagpe-presyo ng langis at magkakaroon na ng panlaban ang pamahalaan sa oil cartel.
Habang ang centralized procurement ng langis naman ay makatitiyak ng sapat na buffer supplies ng produktong petrolyo sa bansa kung saan hindi na magiging mabigat ang bawat pagbabago ng presyo sa world market.