Kinalampag ni Caloocan Representative Edgar Erice ang Kamara na imbestigahan at huwag palagpasin ang P55 Billion na naisingit sa 2019 P3.757 trillion budget.
Ito ay kahit pa na-realign ito sa mga mahahalagang proyekto at wala namang binawas sa pambansang pondo sa susunod na taon.
Giit ni Erice, dapat malaman kung papaano naisingit ang P55 Billion sa ilalim ng National Expenditure Program o NEP.
Nais ding matukoy ng mambabatas kung ang ganitong kalaking halaga din ba ay naisingit sa 2018 national budget.
Hindi ito dapat hayaan lamang dahil may mga nakarating sa kanya na impormasyon mula sa hanay ng mga contractors na ilang proyekto sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act ay iniaalok sa ilang rehiyon na gagamitin sa kampanya para sa senatoriables.
Samantala, bagaman at myembro ng Magnificent 7 na oposisyon sa Kamara, pinuri ni Erice ang pagkakaroon ni Speaker Gloria Arroyo ng political will para alisin ang P55 Billion na nailusot sa budget.
Malaking bagay aniya ang nagawa ni SGMA para ipa-realign ang P55 Billion sa ibat-ibang infrastructure projects.