KINALAMPAG | Tuluyang pagbasura sa excise tax ng fuel, isinusulong

Manila, Philippines – Kinalampag ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang mga economic managers ng administrasyon na tuluyan nang ibasura ang pagpapataw ng excise tax sa fuel at pagbasura ng probisyon dito sa TRAIN Law.

Ito ay bunsod na rin ng pananatili ng mataas na inflation rate noong nakaraang buwan ng Oktubre.

Naniniwala si Quimbo na kung tuluyang ibabasura ang probisyon ng TRAIN Law sa excise tax sa fuel ay malaki ang positibong epekto nito para sa ordinaryong Pilipino.


Sinabi pa ng kongresista na dapat itong pakinggan ng mga economic managers at ikunsidera ang inflationary effect ng fuel excise tax sa ilalim ng TRAIN Law.

Sinabi pa ni Quimbo na ang hindi paggalaw ng inflation rate ay hindi nangangahulugan ng good news kundi nangangahulugan pa rin ito ng pinakamataas na antas ng inflation sa loob ng nakalipas na siyam na taon.

Nababahala ang mambabatas na patuloy na magiging pahirap sa publiko ang mataas na presyo ng mga bilihin dulot ng inflation.

Facebook Comments