Manila, Philippines – Sinuspinde muna ng Sandiganbayan 1st Division ang pagdinig sa plunder case ni dating Senator Bong Revilla Jr., kaugnay sa pork barrel scam.
Pumayag si 1st Division Chairperson Efren dela Cruz sa mosyon ni Revilla na kanselahin muna ang presentation of evidence ng kanilang kampo sa kabila ng pagtutol dito ng prosekusyon.
Hanggang Pebrero 15 ang ibinigay kay Revilla na panahon para makapag-secure ito ng TRO mula sa Korte Suprema matapos nitong maghain ng petition for certiorari sa SC na humihiling na itigil na ang pagdinig sa kanyang kaso at payagan siyang makalabas na ng detensyon.
Iginigiit ng kampo ni Revilla na mahina naman ang mga ebidensya laban sa kanya.
Hindi naman umubra sa mga Justices ang pag-alma ng prosekusyon sa suspension ng pagdinig sa plunder ni Revilla at iginiit pa ng mga ito na batay sa inamyendahang Section 7, Rule 65 ng Rules of Court ay binibigyan lamang ng sampung araw para makapag-secure ng TRO mula sa Supreme Court.
Umaasa naman ang abogado ni Revilla na si Atty. Estelito Mendoza na magiisyu agad ang SC ng TRO sa plunder trial ng dating senador.
Sakali namang umabot sa February 15 at wala pa ring TRO mula sa Korte Suprema ay itutuloy muli ng depensa ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya.