Quezon City – Tukoy na sa isinagawang follow -up operation ng Quezon City Police District (QCPD) ang kinaroroonan ng dalawang nakatakas mula sa apat na nang holdap ng Manrose Liner Bus sa EDSA, Quezon City kaninang madaling araw.
Ayon kay QCPD Director Pchief Supt. Guillermo Elezar, may lead na sila kung saan matatagpuan ang mga suspek na hindi muna pinangalanan.
Aniya, patuloy ang man hunt operation na isinasagawa ng kanyang mga tauhan laban sa dalawa habang isinasailalim pa rin sa imbestigasyon ang naarestong si Resencio CJ Baroga, residente ng no.548 Calbayog St., Mandaluyong City.
Batay sa ulat, pasado alas dos kaninang madaling araw ng sumakay sa Manrose Liner Bus ang apat na holdaper sa bahagi ng Ayala, Makati.
Pagsapit sa tapat ng isang mall sa Ortigas, EDSA saka nagdeklara ng holdap ang mga suspek bago nagpababa sa bus driver sa harap ng Corinthians Garden.
Agad namang napansin ng nagpapatrolyang mobile car ng QCPD station-12 ang kahina-hinalang kilos ng apat na holdaper at nang sitahin dito na nakipagbarilan ang mga suspek kaya’t nasawi ang isa at naaresto naman ang isa pa habang ang dalawa ay nakatakas.
Samantala, narekober naman ng SOCO mula sa nasawing suspek ang isang 9mm na baril, 6 na cellphone at isang silver na necklace.