Manila, Philippines – Tinuluyan nang kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang business companies dahil sa pagbalewala na bayaran ang kanilang tax obligations.
Kasong paglabag sa National Internal Revenue Code ang isinampa ng BIR laban sa Destiny Fibertech Manufacturing Corporation (DFMC) at sa presidente nito na si Redentor Quintos at Double Scoop Marketing Inc. at ang chairman of the board at presidente na si Raul Umali.
Ang DFMC ay matatagpuan sa Malabo Maysan, Valenzuela City at isang domestic corporation na gumagawa ng yarns at iba pang textile products.
Abot sa P68.47 million ang kabuuang Value Added Tax (VAT) liability nito ang hindi binayaran sa unang semester ng taxable year 2012 .
Habang ang Double Scoop Marketing sa Sta. Rosa II sa Marilao Bulacan ay may total deficiency tax liability sa taxable year 2011 na nagkakahalaga ng P274.33 million.
Base sa records ng BIR sa Caloocan City, lumilitaw na inisyuhan na ng demand letters ang dalawang kumpanya para ayusin ang kanilang pagkakautang pero hindi nila ginawa.
Ang isinampang kaso laban sa dalawang kumpanya ay pang 256 at 257 na sa ilalim ng Run After Tax Evaders program ng BIR sa pamumuno ni Commissioner Caesar Dulay.