KINIDNAP? | 14 na na-rescue sa Talaingod, sumasailalim na sa psychosocial interventions

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang labing apat na kabataan na na-rescue sa Talaingod, Davao del Norte noong Nobyembre 29, 2018.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista, ang labindalawang kabataang babae ay nasa DSWD Home for Girls sa Maa, Davao City, habang ang dalawang batang lalaki ay dinala naman sa Home for the Aged sa Tagum City habang ang isa sa kanila ay umuwi na sa kanilang bahay.

Base sa report mula sa DSWD Field Office sa Region 11,ang mga kabataan na nailigtas sa pag-kidnap ng grupo ni Satur Ocampo ay mula sa mga lugar ng Barangay Palma Gil at Nasilaban sa Talaingod; Inayaman at Kalagangan, Bukidnon; Arakan, Cotabato Province; Zamboanga Del Sur; at Colombio at Sinapulan sa Sultan Kudarat.


Lahat sila ay mag-aaral ng Salugpungan Community Learning Center sa Barangay Palma Gil, Talaingod.

Sumasailalim na sa psychosocial interventions ang mga kabataan tulad ng counseling, art therapy at journal writing at iba pa.

Isinama na rin sila sa ibang katulad nilang bata sa loob ng DSWD center habang hinihintay ang proseso ng kanilang kaso.

Binisita na rin sila ng kanilang mga magulang at tiniyak ng DSWD na patuloy silang bibigyan ng kaukulang serbisyo at interbensyon habang nasa kanilang pangangalaga.

Facebook Comments