Manila, Philippines – Kinondena ng mga senador ang pagpatay kay Atty. Benjamin Ramos na abogado ng pinaslang na 9 na magsasaka sa Sagay, Negros Occidental at kasama ding bumuo ng National Union of People’s Lawyer (NUPL).
Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, isang malaking kawalan si Atty. Ramos sa legal profession at sa mga inaaping Pilipino na walang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang sarili.
Nakakakilabot naman para kay Senator Francis Kiko Pangilinan na ang mga taong nagtatanggol sa mahihirap at mga walang boses ay nagiging biktima mismo ng kawalan ng batas sa ilalim ng Duterte administration.
Giit nina Drilon at Pangilinan, hindi maiwasang iugnay ang pagkamatay ni Atty. Ramos sa kanyang trabaho bilang human rights lawyer at sa kanyang pagkakaugnay sa kaso ng Sagay Massacre.
Maging si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ay nagbigay-diin na dapat agad mapanagot ang salarin sa nabanggit na krimen.
Tinutulan din ni Zubiri ang red tagging o ginagawa ng mga otoridad na pag-uugnay sa ilang indibidual sa makakaliwang grupo na posibleng isang anggulo sa pagpatay kay Atty. Ramos.
Nagpahayag naman ng pagkaalarma si Senator Nancy Binay sa mga nangyayaring pagpatay sa ilang abogado na malinaw aniyang banta sa pag-iral ng batas at demokrasya sa ating bansa.