Mariing kinondena ng Palasyo ng Malacañang ang malagim na pagpatay sa 9 na magsasaka sa Hacienda Nene Barangay Bulanon Sagay Negros Occidental.
Nabatid na miyembro ng Negros Federation of Sugar Workers (NFSW) ang mga napatay na magsasaka matapos atakihin ang mga ito ng nasa 40 armadong lalaki kamakalawa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, lubhang nabahala ang Malacañang sa pangyayari kaya agad na nitong inatasan ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng agaran at patas na imbestigasyon sa insidente.
Tiniyak ni Panelo na kinikilala ng Office of the President ang karapatan ng bawat isa na mabuhay at hindi aniya ito mapangingibabawan ng pansariling interes ng iba.
Binigyang diin din naman ni Panelo na gagawin ng gobyerno ang lahat para mapanagot ang mga may kagagawan ng krimen at mahihatid sa pamilya ng mga biktima ang hustisyang dapat nilang matanggap.