Mindanao – Dumayo sa Camp Darapanan na teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang apat na senador para tiyaking maisasabatas na ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Tatlong taon na ang nakalilipas nang maganap ang madugong engkwentro sa Mamasapano na naging mitsa sa pagbasura ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Senador Juan Miguel Zuburi, layon ng BBL bigyan ng pagkakataon ang mga Muslim na pamunuan ang rehiyon, patakbuhin ang ekonomiya, pulitika, at bigyang serbisyo ang mga taga-Mindanao.
Sinabi naman ni Senator Sonny Angara na ang BBL ay regalo ng gobyerno dahil sa pakikiisa ng MILF na bigyan ng kapayapaan ang Mindanao.
Tiniyak rin ni Senador Risa Hontiveros ang suporta ng oposisyon sa BBL gayundin si Senador JV Ejercito.
Sinabi naman ni MILF Chairman Al Hadj Murad Ebrahim, na 40 taon na rin silang nagdarasal para sa kapayapaan sa Mindanao, at BBL ang nakikita nilang daan para dito.
Sa Cotabato City, binuksan rin sa publiko ang consultation meeting para sa BBL.
Sa Biyernes, mga residente naman ng Marawi ang kukonsultahin ng mga senador kasunod ang mga taga-Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.