Manila, Philippines – Mariing kinontra ni Senator Panfilo Ping Lacson ang planong pag-utang ng pamahalaan ng halos 1.2-trillion pesos para tustusan ang build, build, build project at iba pang gastusin sa susunod na taon.
Tanong ni Lacson, kailan pa kaya tayo matututo na magbalanse ng budget at mamuhay base sa kung ano ang mayroon tayo.
Paliwanag ni Lacson, okay lang mangutang kung magagamit at ilalaan sa pamumuhunan para tiyak na may pakinabang o babalik sa atin.
Ang problema, ayon kay Lacson, hindi naman nagagamit ang salaping inuutang dahil laging malaki ang unused appropriations o natitira sa pondo taon taon.
Diin pa ni Lacson, ang mas masama pa, ay ninanakaw lang ito ng ilang mga masisiba na walang kabusugan sa pera habang ang mamamayan ay patuloy na nagbabayad ng kaukulang buwis.