Malaking dagok ngayon sa mga driver ng pampasaherong van o UV Express sa lungsod ng Dagupan ang pagtuloy na pagtaas ng presyo ng Krudo.
Dahil dito ay bumagsak na sa halos kalahati ng dati nilang kinikita ang naiuuwi nila sa araw-araw na pamamasada.
Naabutan namin sa isang terminal sa lungsod si Kuya Romel na naghihintay ng mga pasahero upang mapuno ang kanyang van patungong Baguio City.
Mula sa huling byahe niya noong Huwebes, nitong Linggo na lamang siya muling nakabyahe dahil sa mataas na presyo ng diesel.
Ayon sa kaniya, mula sa dating ₱2,700 hanggang ₱2,800 kada byahe, umaabot na sa humigit-kumulang ₱1,000 ang konsumo sa diesel, bukod pa sa iba pang bayarin gaya ng booking, kaya malaki ang nababawas sa kanilang kita at halos namamatay na ang kanilang hanapbuhay.
Dahil sa sitwasyon, umaapela ang mga katulad ni Romel ng ayuda mula sa pamahalaan upang makatulong sa kanilang gastusin.
Samantala, ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel James Allen Dogao, hepe ng Baguio City Police Office – Traffic Enforcement Unit (BCPO-TEU), humahaba rin ang pagitan ng biyahe ng mga sasakyan, na umaabot na sa dalawang oras o higit pa kumpara sa dating 30 minuto hanggang isang oras sa mga peak travel period.
Sa kabila nito, tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng mga UV Express at bus mula Dagupan City patungo sa iba’t ibang destinasyon ngayong Semana Santa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










