Cauayan City, Isabela- Sinuspinde na ng Pamahalaang lungsod ng Ilagan ang pasok sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan simula Marso 16 hanggang Marso 28, 2020 dahil sa banta ng Coronavirus disease 19 (COVID-19).
Batay sa inilabas na Executive Order no.09 series of 2020 ni City Mayor Josemarie Diaz, kasunod ito ng pagsasagawa ng National Festival of Talents (NFOT) sa Lungsod nitong Marso 9 hanggang Marso 13, 2020 kung saan dinaluhan ito ng iba’t-ibang delegado mula sa 17 rehiyon sa bansa.
Nakasaad sa EO na kailangang linisin at madis-infect ang mga rooms ng paaralan na ginamit ng mga delegates upang maiwasan ang pagkakahawa o pagkalat ng sakit at ligtas na gagamitin ng mga estudyante.
Kasunod rin ito ng pagdagsa ng mga tao mula sa Metro Manila na may kaso ng COVID-19 na kung saan pinapayuhan ang lahat na manatili muna sa bahay at huwag munang gumala sa matataong lugar.
Dagdag dito, kinakailangan din pangunahan ng City Government ng Ilagan ang pagpapatupad o pagsasagawa ng ‘proactive measures’ upang maiiwas ang mamamayan sa COVID-19.